CAVITE , Philippines — Patay ang isang 20-anyos na estudyante nang ma-“sandwich” sa kaniyang kinauupuan habang sugatan ang sakay nitong apat na kapwa estudyante makaraang bumaligtad at sumadsad ang sinasakyan nilang kotse sa Tagaytay Road, Brgy Pasong Langka, bayan ng Silang, dito.
Kinilala ang nasawi na si Raven Sortejas, 20-anyos, college student, ng Brgy. Pasonglangka, Silang habang pawang inoobserbahan sa pagamutan ang tatlong kaklase nito na sina Ronian Palanganan, 19, ng Iruhin West, Tagaytay City; Francis Capili, 20, ng Iruhin Central, Tagaytay City, at Mark Angelo Digo, 19, at ang Grade 12 student na si Vincent Songaben, 18, ng Iruhin West, Tagaytay City, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-2 ng madaling araw habang bumabagtas ang mga biktima lulan ng Honda Civic Sedan (UKT-767) na minamaneho ni Sortejas at may kabilisan ang patakbo nang maganap ang insidente.
Nasa tapat na ng Roren Pest Control Services, Sta. Rosa-Tagaytay Road ang mga biktima kung saan pakurba ang kalsada, nang mag-overtake umano ito sa nauunang sasakyan dahilan upang mawalan ng kontrol at nagpaekis-ekis hanggang sa tuluyang bumaligtad at tuluy-tuloy na sumadsad sa konkretong poste sa gilid ng kalsada.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga sakay sa loob habang ang driver ay naipit sa kinauupuan nito. Ilang oras bago natanggal sa pagkakaipit ang biktima, na agad na itinakbo sa Ospital ng Tagaytay subalit hindi na umabot nang buhay.
Hinihinalang nasa impluwensiya ng alak ang mga biktima nang maaksidente.