CAVITE , Philippines — Puspusan ang isinasagawang retrieval operation ng awtoridad upang mahanap ang katawan ng isang 10- anyos na estudyante na nalunod sa malalim na bahagi ng creek, kamakalawa ng hapon sa Brgy Salitran 3 Dasmariñas City.
Kinilala ang biktima na si Yohann Gabriel Amosig, residente ng Molino Homes, Barangay Salitran 3, Dasmariñas City.
Sa imbestigasyon ng Dasmariñas City Police, alas-2 ng hapon nang maganap ang insidente. Nagkayayaang maligo sa creek na nasa loob ng St. Anthony Subdivision ang magkakaibigan kasama ang biktima.
Gayunman, habang nasa kasarapan sila sa pagsu-swimming, hindi umano namalayan ng mga kapwa bata na napadako ang biktima sa malalim na bahagi ng creek hanggang sa tuluyan nang lamunin ng tubig.
Samantala, hinihinalang biktima ng bagyong Kristine ang isang ‘di pa kilalang lalaki na tinangay ng baha at inanod naman sa Santol River sa Brgy. Santol, bayan ng Tanza, kamakalawa.
Ang bangkay ng biktima na pinaniniwalaang nagmula sa mga katabing bayan o lungsod ay nadiskubre dakong alas-9:30 ng umaga ng isang mangingisda.