Pundasyon ng tulay sa Quezon, unti-unting gumuguho

Ang lupa sa pundasyon ng Lagnas Bridge na unti-unting gumuguho na pinangangam- bahang bumi- gay sa pagtama ng matinding pagbaha at iba pang kalami- dad.

SARIAYA, QUEZON , Philippines - Matapos ang pananalasa ng bagyong “Kristine”, nangangamba naman ngayon ang mara­ming residente at moto­rista dahil sa unti-unting pagguho ng lupang kinatitirikan ng mga bored piles o poste sa ilalim ng Lagnas bridge 1, sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Sampaloc 2 sa bayang ito.

Ang Lagnas bridge ay bahagi ng nasabing highway na nagsisilbing pangunahing daan sa pagitan ng National Capital Region at sa kabuuan ng Southern Luzon at kung wala ito ay maoobligang dumaan ang mga motorista at biyahero sa Quezon Eco-Tourism Road via Rosario- San Juan Road sa Batangas at Candelaria sa Quezon.

Noong Enero 4, 2023, si Quezon Gov. Helen Tan ay sumulat kay Department of Public Works and Highways (DPWH) regional director Jovel Mendoza at nakiusap para sa madaliang repair, rehabilitation o anumang akmang engineering intervention ng nasabing ahensya kaugnay sa nasisirang kondisyon ng tulay.

Ginawa ng gobernador ang pagsulat matapos ang isinagawang inspection ng Provincial Engineering Office sa naturang tulay kung saan nakita ng mga ito ang gumuguhong sub-surface foundation ng mga poste sa ilalim nito dulot ng bagyong Paeng noong October 2022.

Bilang tugon sa pakiusap ng gobernador, ang DPWH- Quezon 2nd District Engineering Office na pinamumunuan ni District Engineer  Del Rosario Naca ay nagsagawa ng inspection at naglagay ng mga gabion malapit sa pundasyon ng isa sa dalawang poste upang mapigilan ang soil at rock erosion sa palibot nito.

Sinabi ng ilang residente malapit sa tulay na ang ginawang aksyon ng DPWH ay isa lamang band-aid solution at hindi sapat upang tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista at mga pedestrian.

Ayon sa ilang engineer, ang kahinaan ng gabion ay kalawang na sumisira sa mga wire basket na naglalaman ng mga bato na pinapangharang sa baha.

Bukod sa nasabing ahensya, nananawagan din ang mga residente at motorista kay Quezon 2nd District Rep. David Suarez na siyang may hurisdiksyon sa lugar na gumawa ng agarang aksyon sa nasabing hinaing ng mga residente.

Show comments