CABANATUAN CITY, Nueva Ecija , Philippines – Sugatan ang isang traysikel drayber makaraang saksakin ng kanyang pasahero habang nakahinto sa Barangay Sta. Lucia Young, bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija noong Sabado ng umaga.
Sa ulat sa tanggapan ni P/Col. Ferdinand Germino, acting provincial director ng Nueva Ecija Police Provincial Office, tinukoy na ang biktima ay isang 59-anyos na tricycle driver, ng Barangay Concepcion West ng nasabing bayan habang ang suspek na si alyas Pedro ay nasa kustodya na ng Zaragoza Police Station at nahaharap sa kasong frustrated homicide.
Sa imbestigasyon, alas-3 ng madaling-araw, naghihintay ng pasahero ang nasabing drayber nang bigla umanong dumating ang isang lalaki na lango sa alak at nagpahatid sa Barangay Sta. Lucia Old.
Habang bumibiyahe, sinabi ng suspek sa biktima na wala siyang pamasahe. Hindi naman umano ito problema para sa biktima dahil naniniwala siyang ang mga kaanak na lang nito ang magbabayad sa pamasahe ng kanyang pasahero.
Gayunman, hindi nagtagal, nagpahinto ang suspek sa isang tabi para umihi, ngunit pagbalik nito ay bigla na lang may hawak na patalim at sinaksak sa likuran nang walang kaalam-alam na biktima.
Sa kabila nito, nagawa pa rin ng biktima na magtungo sa pinakamalapit na presinto ng pulisya at iniulat ang nangyaring insidente, dakong alas-5 ng umaga ng nasabi ring araw.
Sa follow-up operation ng Zaragoza Police, naaresto ang suspek sa kanyang bahay sa Brgy. San Vicente ng nasabi ring bayan.