2 taxi driver na senior nabiktima ng carnap, holdap ng pasahero

MANILA, Philippines — Isang 66-anyos na taxi driver ang tinutukan ng patalim sa leeg ng pasahero at tinangay ang taxi kasama ang kaniyang cellphone at cash, sa Angono, Rizal, kahapon ng madaling araw.

Sa reklamong idinulog ng biktimang si Marcelino Demoreta, isang lalaking nasa 5’6-5’8 ang taas, slim, maikli ang gupit ng buhok, nakasuot ng dilaw na t-shirt, maong at may dalang backpack ang pasaherong suspek.

Sa salaysay ng biktima, ala -1:30 ng madaling araw ng Oktubre 27 nang maganap ang insidente.

Isinakay umano niya ang suspek sa Jenny’s Ave­nue, Pasig City at nagpahatid sa Aurora Subdivision, sa Angono. Sa pagsapit sa destinasyon, nagulat siya nang tutukan sa leeg ng patalim at inutusang bumaba ng sasakyan, kaya hindi na nagawang kunin pa ang cellphone, P3,300 cash na nakalagay sa compartment, at mga identification cards.

Nabatid na isang Toyota Vios Sedan (KDS TAXI), na kulay puti (UVD442), ang natangay ng suspek. Nakarehistro ang sasakyan sa pangalang Irish Claire at Antonio Francia Jr. ng Novaliches, Quezon City.

Sa hiwalay na insidente ng parehong lugar din,  isang 70-anyos na si alyas “Nestor”, biyudo, residente ng Taytay, Rizal ang hinoldap ng suspek na inilarawan na  may taas na 5’6-5’8, slim body at wala ding takip sa mukha, noong Oktubre 21 (Lunes), ng alas-11:30 ng gabi, Aurora Subd., Brgy. San Isidro, Angono.

Ang biktima na nagmamaneho ng Lady Ella taxi, isinakay ang suspek sa Sta. Lucia, Cainta, Rizal sa harapan ng Padis Point Disco Hub. Nang makara­ting na sa Aurora Subd.,  tinutukan ng patalim sa leeg ang driver at ­kinuha ang dalawang  cellphone, at P3,000.00 cash at mga iba’t ibang IDs.

Show comments