MANILA, Philippines — Patay ang pangulo ng Association of Barangay Captains (ABC) sa San Nicolas, Ilocos Norte at dalawa pang kasama nito matapos na pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin kahapon ng madaling araw sa San Guillermo ng nasabing lalawigan.
Dead-on-arrival sa ospital ang mga biktimang sina ABC President at Barangay 6, San Juan Bautista Chairman Mark Adrian Paguirigan Barba, 39; Raffy Ulep, 39 at driver na si Lord Wayne Gian Menor, 42.
Sa report ng San Nicolas Police Station, nangyari ang pamamaril bandang alas-2:45 ng madaling araw sa Barangay 22 ng San Guillermo, San Nicolas, Ilocos Norte.
Lumilitaw na sakay ang mga biktima ng Toyota Innova na may plakang NDA-8116 na minamaneho ni Menor nang bigla silang pagbabarilin ng mga suspek.
Dahil dito, nawalan ng kontrol si Menor sa manibela hanggang sa bumangga sa isang Toyota Fortuner na nakapara sa highway.
Nagtamo ng mga tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tatlong biktima na isinugod pa sa ospital subalit binawian din ng buhay.
Nakakuha ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng 40 basyo ang bala sa crime scene.
Kinondena naman ni San Nicolas, Ilocos Norte Mayor Miguel Hernando ang pamamaslang kasabay ng kautusang tutukan ang kaso upang mabigyan ng hustisya ang pamilya ng mga biktima.