CAVITE, Philippines — Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation ng awtoridad sa dalawang lugar sa lalawigang ito matapos na dalawang babae ang tinangay sa pagragasa ng tubig-baha sa kasagsagan ng bagyong Kristine.
Ala-1 ng hapon habang kasagsagan ng bagyong Kristine nang tumaas ang tubig-baha sa Sitio Bitin, Brgy Sambong, Tagaytay City.
Sa ulat ng pulisya, naglalakad pauwi ang magkapatid na sina Jessie Mercado at Analyn Mercado Gonzales, 48, negosyante kapwa residente ng Purok 155, Brgy. Sambong, Tagaytay City nang tangayin ng malaking tubig-baha.
Nakaligtas naman ang lalaki subalit tuluyang natangay ang biktima at hanggang sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng retrieval operations ang mga Barangay Officials dito at Tagaytay City Disaster Risk Management Office (CDRMO).
Habang sa bayan ng Alfonso, ala-1:30 ng hapon habang kasagsagan ng bagyo ay kasalukuyang tumatawid sa tulay na kawayan ang biktimang si Soledad Mojica, 59-anyos, residente ng Purok-7, Brgy. Taiwanak Ibaba, Alfonso kasama ang anak nito at manugang galing sa pangunguha ng saging at papauwi na rin ng mga oras na iyon nang aksidenteng madulas ito at tuluy-tuloy na nahulog sa ilog na halos apaw na ang tubig ng mga oras na iyon kung kaya tuluyan siyang tinangay.