MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines —Nasa 11 bayan sa lalawigang ito ang pinalubog ng bagyong Kristine kasabay ng high tide at pagpapakawala ng tubig sa mga dam.
Sa report, ilang mababang lugar ang nilusob ng baha bandang 1:00 ng madaling araw nitong Oktubre 25 sa kasagsagan ng bagyong Kristine na itinaas sa Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) No. 2.
Bandang 2:31 ng madaling araw ay lalong lumalim ang tubig baha nang lumusob ang tubig-dagat o alat dulot ng high tide na may taas na 3.9 FT.
Nalamang ang Ipo dam na nasa 100.82 m lebel ng tubig ay nauna nang nagpakawala nitong Oktubre 24 ng 47.90 cms ng tubig habang ang Bustos dam na nasa 16.63 m level ay nagpakawala ng 192 cms na tubig.
Binaha rito ang ilang mababang lugar sa bayan ng Calumpit, Hagonoy, Paombong, Malolos, Guiguinto, Bulakan, Balagtas, Bocaue, Marilao, Meycauayan at Obando.
Dahil dito, ilang mga kalsada ang hindi madaanan ng maliliit na sasakyan gaya ng Brgy. Panginay sa pagitan ng bayan ng Guiguinto at Balagtas habang ganoon din ang Brgy. Ubihan, Meycauayan sa pagitan ng Bulakan at Obando na may lampas-tuhod na lalim na tubig-baha.