COTABATO CITY, Philippines — Tatlong terorista ang sugatan habang 21 na iba pa ang naaresto ng mga tropa ng 34th Infantry Battalion sa isang engkuwentro sa Barangay Bagolibas sa Aleosan, Cotabato nitong hapon ng Huwebes.
Lulan ng dalawang sasakyan ang mga terorista, kinumpirma ng mga local executives na sangkot sa iba’t ibang mga krimen, at patungo sana sa Barangay Pagangan, Aleosan nang masabat ng mga tropa ng 34th Infantry Battalion at nagpaputok ng kanilang mga assault rifles nang sinita kaya nagkaengkwentro na nagresulta sa pagkasugat ng tatlo sa kanila.
Isang miyembro ng 34th IB, si Cpl. Roy Villaber, ang nagtamo ng mga tama ng bala sanhi ng engkwentro, ayon sa ulat ng 34th ID kay Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division na siyang namumuno ng anti-terror Joint Task Force Central.
Nakumpiska ng mga sundalo sa teroristang grupo, sinasabing mula sa hanay ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Dawlah Islamiya, ang limang M16 rifles, dalawang M14 rifles, isang granada at mga gamit sa paggawa ng malalakas na uri ng improvised explosive devices.