Paslit nahulog mula sahig ng bahay, tinangay ng agos, patay

Base sa imbestigasyon ng San Andres PNP, bandang alas-11:45 ng tanghali ay natutulog sa kanilang bahay ang biktima at ang ina nitong si Ana. 
Google Maps

SAN ANDRES, Quezon, Philippines — Patay na nang matagpuan ang isang paslit makaraang mahulog mula sa sahig ng kanilang bahay at masuwak sa kanal saka tinangay ng malakas na alon sa sa kasagsagan ng bagyong Kristine sa Barangay Poblacion ng bayang ito, kamakalawa ng tanghali. 

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Matheo, isang taon at walong buwan. 

Base sa imbestigasyon ng San Andres PNP, bandang alas-11:45 ng tanghali ay natutulog sa kanilang bahay ang biktima at ang ina nitong si Ana. 

Makalipas ang ilang sandali ay bumangon si Ana at lumabas ng kanilang bahay na lingid sa kanilang kaalaman ay nahulog ang anak sa kanal mula sa sahig at dire-diretsong tinangay ng malakas na agos ng tubig. 

Nang mapansin ni Ana na nawawala ang anak ng dakong alas-12:30 ng tanghali ay humingi na ito ng tulong sa mga otoridad at sa sama-samang paghahanap ay natunton ang bata na lumulutang sa sapa.

Show comments