Bicol region pinalubog ni ‘Kristine’: Libo-libong katao apektado, klase sinuspinde

Pahirapan ang paglilikas ng mga rescuers mula sa PDRRMC, Tiwi Police, Bureau of Fire Protection at lokal na pamahalaan matapos na malubog sa tubig baha ng halos hanggang ulo ang Brgy. Nagas sa Tiwi, Albay dulot ng bagyong Kristine, kahapon.

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Kabi-kabila ang naiulat na pagbaha sa maraming lugar sa Bicol Region sanhi ng malalakas na bagsak ng ulan dala ng papalapit na bagyong “Kristine” dahilan para libu-libong katao ang inilikas hanggang kahapon ng hapon lalo na sa mga lalawigan ng Sorsogon, Albay, Ca­tanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte at ilang bahagi ng Masbate.

Sa ulat ng Office of Civil Defense-V sa pa­ngunguna ni regional director Claudio Yucot, ­umabot na sa 195 pamilya o 740 indibidwal ang inilikas sa ligtas na mga lugar.

Sa pamamagitan ng kanya-kanyang mga go­bernador ng mga lalawigan ng Camarines Sur, Catan­duanes, Cama­rines Norte at ilang lugar sa Masbate at Sorsogon ay idineklarang walang pasok sa eskuwela at trabaho sa pribado at pang-gobyernong ahensya.

Sa Albay, sa kahilingan­ ni Acting Gov. Glenda Ong Bongao ay ideneklara na sa ginawang regular session ng sangguniang panlalawigan sa ilalim ng state of calamity ang buong lalawigan kahapon ng hapon upang magamit agad ng mga LGU ang kani-kanilang calamity fund sa pagtugon sa panga­ngailangan ng inilikas na mga residente.

Nagpatupad rin ng evacuation sa may mahigit 1-libong residente sa mga lugar malapit sa Mt. Mayon makaraang magpalabas ng advisory ang Philippine Insitute of Volcanology and Seismology sa malaking peligro ng pagragasa ng lahar dahil saturated na ng tubig ang katawan ng bulkan.

Maraming lugar sa lalawigan ang binaha at nagkaroon ng landslide dahilan para maapektuhan ang mga pananim, kabuhayan at imprastruktura. Gaya sa Brgy. Pantao ng Libon na umabot hanggang leeg ang baha habang sa Brgy. Nagas ng Tiwi ay inilikas ang mga residente dahil sa biglang pagtaas ng tubig na umapaw sa malaking ilog.

Napasugod naman si Polangui Mayor Adrian Salceda, nang magka-landslide sa Brgy. Sugcad at natabunan ang kalsada at hindi madaanan patungo sa mga upland barangay ng bayan. Ilang bahay ang nasira dahil sa paguho ng lupa.

Sa tala ng OCD-V, umabot sa 2,450 pasahero ang stranded sa iba’t ibang pantalan sa rehiyon. Pinakamarami sa Matnog Port na umabot sa 1,143; Tabaco Port na may 752 at Pio Duran Port na may 272. Nasa 150 na trucks at 5 bus ang nakapila sa mga highways habang 25 barko ang hindi nakapaglayag dahil sa sama ng panahon.

Show comments