NUEVA ECIJA, Philippines — Nagsanib-puwersa na sa pagbili ng palay sa lalawigang ito ang National Food Authority (NFA) at ang Pamahalaang Panlalawigan sa layuning maraming magsasakang Novo Ecijano ang makinabang sa mataas na presyo ng palay ngayong anihan.
Dahil dito, lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sina Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Umali at Dr. Larry Lacson, acting administrator ng NFA nitong Lunes (October 21).
Kasama rin sa mga lumagda sina Atty. Jose Ma. San Pedro, Nueva Ecija Provincial Tourism Officer; Provincial Administrator Atty. Alejandro Abesamis; Jeoffrey Paraton, acting Regional Manager ng NFA, Jay Mark Malvar Acting Provincial Manager ng NFA Nueva Ecija.
Ayon kay Dr. Lacson, ang NFA at PGNE ay nagkasundong magsama upang mas maraming palay ang mabili sa mga magsasaka sa lalawigan ng Nueva Ecija. Malaking tulong din aniya ang maibibigay ng paggamit ng Rice Processing Center (RPC) ng Kapitolyo na matatagpuan sa Barangay, Culong, sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija.
Ang RPC ay binubuo ng mechanical dryer, grain silos, rice mill, truck at truckscale na makakatulong sa NFA na mapabilis ang pagpapatuyo at paggiling ng mga binili nitong palay mula sa mga magsasaka sa lalawigan.
Sinabi rin ni Lacson na bumibili sila ng palay sa mas mataas na presyo kumpara sa mga rice trader.