Mister kinatay ng katrabaho sa harap ng ate

CAVITE, Philippines — Tinadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agad ikinamatay ng isang mister mula sa mga kamay ng katrabaho nito sa harap ng kanyang nakatatandang kapatid na babae, kamakalawa sa Brgy Acacia, bayan ng Silang.

Idineklarang dead-on-arrival ang biktima sa pagamutan na kinilalang si Renato Pelle Lideros, 52-anyos, helper at residente ng Brgy. Acacia ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-6:30 ng ­umaga habang kumakain ng almusal ang biktima sa tindahan ng kaniyang ate nang dumating ang suspek na armado ng patalim.

Agad nitong sinugod ang biktima at inundayan ng sunud-sunod na saksak hanggang sa humandusay saka mabilis na tumakas ang suspek bitbit ang patalim na gamit.

Naitakbo sa pagamutan ang biktima subalit dahil sa dami ng tinamong hindi bababa sa 10 saksak, idineklara siyang patay ng sumu­ring doktor.

Sa follow-up operation ng pulisya, naaresto ang suspek na si alyas “Bokyo”, 27-anyos, cons­truction worker, ng  Brgy. Acacia, Silang, Cavite, at nabawi ang patalim na ginamit nito sa krimen.

Show comments