2 dayo inatake sa restobar, sugatan

Isa sa biktima ay nagtamo ng maraming saksak sa katawan habang ang kasama ay nagtamo ng sugat sa mukha na gawa ng basag na bote ng beer.

TALAVERA, Nueva Ecija, Philippines — Kapwa malubhang sugatan ang dalawang dayong lalaki na umiinom lang ng alak at naggu-goodtime sa isang restobar makaraang ata­kihin sila ng patalim at basag na bote ng beer ng dalawang lala­king kumursunada sa kanila sa Barangay Bagong Silang ng bayang ito, noong Sabado ng gabi.

Ayon kay P/Col. Ferdinand Germino, acting provincial director, naganap umano ang insidente sa Pmart Grill and Resto Bar sa nasabing lugar, alas-11:23 ng gabi, kung saan ang dalawang hindi pinangalanang biktima, na kapwa taga-Barangay Sto. Rosario, bayan ng Sto. Domingo, NE, ay inatake ng saksak ng dalawang suspek.

Isa sa biktima ay nagtamo ng maraming saksak sa katawan habang ang kasama ay nagtamo ng sugat sa mukha na gawa ng basag na bote ng beer.

Napag-alaman sa ulat na ang dalawang suspek, na kapwa residente ng bayan ng Talavera, ang nagpasimuno ng gulo sa loob ng restobar, nang kanilang lapitan ang mesa ng dalawang biktima at isagawa ang pag-atake.

Isa sa mga suspek ay bigla umanong siniko at pinagsusuntok ang dalawang biktima nang walang kadahi-dahilan, habang ang isang suspek na armado ng basag na bote ng beer ay hinataw ang mukha ng isa pang biktima.

Kapwa nilalapatan ng lunas sa Talavera Gene­ral Hospital ang dalawang biktima habang ang dalawang suspek ay agad namang naaresto ng mga elemento ng Talavera Police, na agad na rumes­ponde sa pinangyarihan.

Show comments