MANILA, Philippines — Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na nakahanda na sila sa paghahain ng certificates of candidacy (COC) na isasagawa para sa kauna-unahang Bangsamoro parliamentary elections sa susunod na taon.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia nitong Linggo na hindi ipo-postpone ang eleksyon sa kabila ng insidenteng naganap noong Oktubre 8 sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, na nagresulta sa pagkamatay ng isa at limang sugatan, sa COC filing para sa 2025 national at local elections.
Ang COC filing ay isasagawa sa Nobyembre 4 hanggang 9, 2024, habang ang halalan ay sa Mayo 12, 2025, kasabay ng national and local elections.
“Hindi po natin gagawin ‘yan (postponement). Tayo ay magtutuluy-tuloy sa filing ng COC sapagkat hindi magpapatinag ang inyong komisyon, ang ating PNP at AFP, sa pagtutulungan ng iba pang ahensya ng pamahalaan,” pahayag ni Garcia sa panayam ng Super Radyo dzBB.
“Dahil kung tayo’y matatakot sa isang napakaliit na insidente lang, paano pa tayo makakapag-conduct ng malinis at maayos na halalan sa ating bansa? So ibig sabihin, minsan po ay may mga maliliit, pulo pulo ‘tong mga ganyang problema pero sa kabuuan naman nagiging maayos,”dagdag niya.
Aniya pa, natukoy na ng Comelec ang mga lugar na dapat bantayan upang hindi manaig ang kaguluhan.
Nais din ng Comelec na mabuwag ang mga private army na naghahasik ng takot sa mga mamamayan para mapuwersa sa kagustuhan ng iilang pulitiko sa kanilang lugar.