DAET, Camarines Norte, Philippines — Walang kawala at kalaboso na ang isang babae na itinuturing ng mga pulis na high value individual (HVI) sa Camarines Norte matapos maaresto at makuhanan ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu sa Purok-1, Brgy. Camambugan ng bayang ito, kamakalawa ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong paglabag sa dangerous drugs act of 2002 ang suspek na kinilala lamang sa pangalang “Lyka”, nasa hustong gulang at residente ng naturang lugar.
Dakong alas-12:20 ng madaling araw magkatuwang na inilatag ng mga operatiba mula sa Provincial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit ang buy-bust operation laban kay Lyka.
Mabilis na inaresto ang suspek makaraang iabot sa poseur buyer ang biniling droga. Nakuha mula sa kanya ang isang malaking bungkos ng plastic at 11-plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 165-gramo at nagkakahalaga lahat ng 1,122,000 pesos.