MANILA, Philippines — Patay ang isang nurse habang sugatan ang utility worker nang saksakin ng kanilang pasyente sa loob mismo ng ospital kamakalawa sa Tagbilaran City, Bohol.
Mga saksak sa dibdib at leeg ang ikinasawi ng biktimang si “Marie”, 51 ng Barangay Dao, Tagbilaran City habang saksak naman sa tiyan ang tinamo ni Francis Justiniare, 21.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na si Marlito Linguis, 31 residente ng Purok 4, Barangay Magsaysay, Sevilla, Bohol.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente nitong Lunes, Oktubre 14 sa ward ng Bohol Doctors Hospital sa Barangay Bool kung saan na-admit ang suspek dahil sa pananakit ng tiyan.
Makalipas ang ilang oras, idi-discharge na ang suspek nang makasagutan umano nito ang nurse.
Umawat si Justiniare subalit bigla na lamang kinuha ng suspek ang gunting sa nurse’s station at pinagsasaksak sa dibdib at leeg ang nurse.
Nang makitang duguan ang nurse, si Justiniare naman ang inundayan ng saksak ng suspek.
Lumilitaw na isang drug surrenderee ang suspek sa Oplan Tokhang campaign in 2016.
Inihahanda na ang kasong murder at physical injury laban sa suspek.