Batangas solon, kinuwestiyon ang pang-unawa sa batas ng sugal
MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang naging pag-unawa ni Batangas Rep. Gerville Luistro sa Executive Order 13 (EO 13) tungkol sa regulasyon ng sugal at online gaming sa bansa na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017.
Sa isang pagdinig kamakailan, sinabi ni Luistro, na sumaklaw ang EO 13 sa kapangyarihan ng Kongreso na magpasa ng batas.
Ito ay sinalungat ng mga kapwa niya mambabatas na nagsabing higit na makapangyarihan ang naipasang batas sa Kongreso kaysa sa EO na inilabas ni Duterte.
Anila, magkaiba ang EO at ang batas na naaprubahan ng Kongreso at isang kamalian ang interpretasyon ni Luistro.
Paliwanag nila isang administratibong utos lang ang EO 13, na naglinaw sa mga tungkulin ng mga ahensya na nagre-regulate ng sugal at nagpapatibay sa mga umiiral na batas.
Hindi ito naglikha ng bagong batas kundi sinigurado lamang na ang mga lisensyadong operator lang ang maaaring magpatakbo ng online gaming, alinsunod sa Republic Act 11590, ang batas na ipinasa ng Kongreso noong 2021.
Ang RA 11590 ay siya ring nagpatibay sa kapangyarihan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) upang regulahin ang mga sugal at online gaming.
Pinag-utos nito na kailangang kumuha ang mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ng lisensya at magbayad ng buwis, kaya’t pinatibay ang regulasyon sa online gaming.
Ang pahayag ni Luistro na sumaklaw ang EO 13 sa kapangyarihan ng Kongreso ay hindi lamang mali kundi nakasisira sa kredibilidad ng House of Representatives, ayon sa mga kapwa niya mambabatas na humiling na huwag nang magpakilala.
- Latest