Utak sa pagpatay sa mag-asawang online seller, kumpare nila - PNP
MANILA, Philippines — Sa isinagawang imbestigasyon ng mga otoridad ay lumalabas na kumpare ng mag-asawang online seller sa Mexico,Pampanga ang mastermind sa pamamaslang sa kanila.
Ayon kay PCol. Jay Dimaandal, Provincial Director ng Pampanga PPO, inaanak ng mastermind ang anak ng mag-asawang pinatay na sina Arvin at Lerma Lulu.
Sinabi naman ni PBGen. Redrico Maranan, Regional Director ng PRO-3, gaya ng mga biktima, nagbebenta rin ng mga beauty product ang umano’y mastermind.
“So kung mawawala ‘yung mag-asawa, siya na ‘yung magiging exclusive distributor at the same time, mawawala na rin ‘yung utang niya,” saad ni Maranan.
May P13 milyon umanong utang sa mag-asawa ang mastermind mula sa nakuha niyang mga beauty product sa mga biktima.
Binayaran din umano ng mastermind ang isang grupo ng P900,000 para ipatumba ang mag-asawa.
Noong Martes, Oktubre 15, nadakip ang pitong suspek na sina Arnold Taylan, Arnel Buan, Robert Dimaliwat, Rolando Cruz, Jomie Rabandaban, Sancho Nieto at umano’y mastermind na si Anthony Limon sa magkakahiwalay na operasyon sa Pampanga at Nueva Ecija.
Ayon naman sa kapatid ng biktima na si Leslie Lulu Manabat na kabilang pa umano sa mga unang nakiramay sa pagkamatay ng mag-asawa ang mastermind na si Limon.
Sa FB post ni Leslie, sinabi nitong kinabukasan umano ng umaga matapos tambangan at patayin ang mag-asawa ay nag-message ang mastermind at tinanong kung saan ang burol. Isa rin umano ito sa mga nagtagal sa lamay.
Magugunitang noong October 4 ng hapon ay pinagbabaril ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang sinasakyan ng mag-asawang Lulu sa may Barangay Sto. Cristo sa Mexico, Pampanga. Hindi naman sinaktan ang anak ng mag-asawa at isang kaanak na kasama ng mga ito sa sasakyan.
- Latest