COTABATO CITY, Philippines — Kalaboso ang dalawang illegal gun dealers na nabilhan ng dalawang M16 assault rifles ng mga hindi unipormadong pulis sa isang entrapment operation sa Barangay Tambo, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte nitong Martes.
Sa pahayag nitong Miyerkules ni Brig Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, nalambat ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group sina Taher Baomba at Daw Rivas sa tulong ng mga impormanteng alam ang kanilang illegal na pagbebenta ng mga assault rifles sa Maguindanao del Norte.
Ayon kay Lt. Col. Ariel Huesca, regional field office chief ng CIDG-Bangsamoro Autonomous Region, hindi na pumalag sina Taher at Rivas nang arestuhin ng kanilang mga operatiba nang kanilang mabentahan ng dalawang M16 rifles at mga bala sa Barangay Tambo sa Sultan Mastura.
Naniniwala ang mga local officials sa Sultan Mastura na konektado ang dalawa sa mga teroristang grupong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na ang mga pinuno ay sangkot umano sa malawakang pagbebenta ng mga armas, shabu at marijuana.