LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Planong tapusin ng mga kongresista ng Ako Bicol Party-list na pinangungunahan ni Cong. Elizaldy Co, chairman ng House Committee on Budget and Appropriations ang sinimulang water system mula sa nadiskubreng bukal na magbibigay solusyon sa mahigit ng dalawang dekadang problema sa suplay ng tubig sa Legazpi City, Albay.
Ayon kay dating AKB Cong. Christopher Co, kapatid ni Cong. Elizaldy ito ang panahong kailangang matapos na ang proyekto na kanyang sinimulan noong 2012 nang sa paglalakad at pag-akyat ay personal niyang nadiskubre ang malaking source o bukal ng tubig sa pinakamataas na bahagi ng bundok sa Brgy. Buenavista.
Agad niyang sinimulan ang proyekto ngunit hindi natapos dahil sa kakapusan ng budget. Kung dati aniya ay nasa P150-M-P200 milyon ang kailangang budget para matapos ito, inaasahang doble na ang pondong kailangan ngayon.
Ayon kay Brgy. Buenavista Captain Rogelio Abarrientos Leron, napakalaking tulong sa kanyang mga residente ang napakalinis at malakas na suplay ng tubig mula sa bukal ng kanilang barangay na nadala pa hanggang sa mga bahay dahilan para hindi na sila mamroblema sa pag-iigib ng tubig sa mga bukal sa bundok.