Mastermind, 6 pa suspek sa pagpatay sa mag-asawang online seller, timbog!

Iprinisinta kahapon sa media sa Camp Olivas sa San Fernando, Pampanga ni Central Luzon director Brig. Gen. Redrico Maranan ang mga naarestong suspek sa pagpatay sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu, at ang mga nakumpiskang malalakas na kalibre ng baril, motorsiklo, mga tseke at IDs matapos ang matagumpay na operasyon ng pulisya.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Nadakip na ng pulisya ang pitong suspek kabilang ang mastermind at gunman sa pagpatay sa mag-asawang online seller na sina Arvin at Lerma Lulu noong Oktubre 4, 2024 sa Barangay Sto. Rosario, Mexico, Pampanga.

Iniharap kahapon sa media ni Police Regional Office 3 director, PBrig. Gen. Redrico A. Maranan, sa PRO3 Patrol Hall, Camp Olivas, City of San Fernando, Pampangaang mga suspek na sina Arnold Taylan, Arnel Buan,  Robert Dimaliwat, Rolando Cruz, Jomie Rabandaban, Sancho Nieto at Anthony Limon.

Ang mga suspek ay nadakip sa ikinasang magkasunod na operasyon ng mga operatiba ng Mexico Municipal Police Station,  Pampanga Provincial Intelligence Unit (PIU), Regional Mobile Force Battalion (RMFB), at 1st and 2nd  Provincial Mobile Force Companies (PMFC) nitong Oktubre 13 at 14.

Ayon kay Maranan, ­unang naaresto ang gunman na si Taylan at ang lookout na si Buan, sa Nueva Ecija nitong Lunes.

Ang pagkaaresto nina Taylan at Buan ay nag­resulta sa pagkadakip naman kina Dimaliwat, Cruz, Rabandaban, Nieto at Limon na  itinuturong mastermind sa pagpatay sa mga biktima.

Sinabi ni Maranan na online seller din si Limon at may utang na P13 milyon sa mag-asawang Lulu na siyang tinitingnan ng mga imbestigador na motibo sa krimen.

Nakumpiska ng pulisya mula sa mga suspek ang 9 na baril kabilang ang tatlong 9mm caliber pistol, limang 45 caliber pistol, isang 22 caliber rifle at isang airgun.

Show comments