Bumbero inutas sa fire station habang naka-duty

Sinubukan pang isugod sa pagamutan si FO3 Ronie Baculad ng mga kasamahan subalit idineklarang patay matapos pagbabarilin sa tapat ng kanilang fire station sa Katipunan, Zamboanga del Norte nitong Lunes.
John Unson

COTABATO CITY, Philippines — Patay agad sanhi ng mga tama ng bala ang isang miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP) makaraang pagbabarilin sa tapat ng fire station sa Katipunan, Zamboanga del Norte nitong Lunes ng tanghali.

 Sa magkahiwalay na ulat nitong Martes ng Katipunan Muni­cipal Police Station at Zamboanga del Norte Provincial Police Office, on-duty si Fire Officer 3 Ronie Baculad sa kanilang fire station sa Barangay Uno ng naturang bayan nang lapitan ng mga armadong sakay ng motorsiklo at agad na halinhinang pinagbabaril na nagsanhi ng kanyang agarang kamatayan. 

Ayon kay Brig. Gen. Bowenn Joey Masauding, director ng Police Regional Office-9, kanya ng inatasan ang mga opisyal ng Zamboanga del Norte PPO na alamin, sa tulong ng mga taga-BFP sa probinsya, kung sino ang mga salarin upang masampahan agad ng kaukulang kaso.

 Ayon sa mga ulat ng mga himpilan ng radyo sa Central Mindanao nitong Martes, nagtutulungan ang local government unit ng Katipunan at ang pulisya sa pagkilala sa mga pumatay kay Baculad na mabilis na nakatakas sakay ng motorsiklong walang plaka. Kinondena nitong Martes ng mga Barangay Uno officials ang pagpatay kay Baculad kasabay ng pagtiyak ng kanilang suporta sa imbestigasyon ng pulisya sa naturang madugong insidente.

Show comments