PNP chief Marbil bumisita sa CAR, reporters inisnab
CAMP DANGWA, La Trinidad, Benguet, Philippines — Pinagmistulang “audience” lang ang mga mamamahayag at tumangging magpa-interview si Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco Marbil nang bumisita sa Police Regional Office-Cordillera Administrative Region (CAR) sa Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet, kahapon.
Bagama’t ang misyon lang umano ni Marbil ay pangunahan ang seremonya sa pagreretiro ni Major General Mafelino Aspero Bazar, director ng PNP Directorate of Information and Communication Technology Management (DICTM) dakong alas-2:00 ng hapon nitong Martes, hindi naman nakaligtas ang heneral sa pagpuna ng media.
Naunang naimbitahan ang mga journalists pero nag-abiso si Col. Carolina Lacuata, PRO-CAR chief information officer sa mga mamamahayag na hindi mag-e-entertain si Marbil sa mga tanong ng mga reporters.
“Ginawa lang tayong audience a,” pahayag ng veteran police reporter at president ng Baguio Correspondent and Broadcasters Club (BCBC) na si Thomas Picaña.
Nakalagay rin sa parehong advisory na maaari namang matanong ng mga mamamahayag si Cordillera police director Brig. General David K. Peredo.
Sa kanyang retirement speech, sinabi ni Bazar, miyembro ng PMA class of 1992 “Tanglaw-Diwa”, na siya ay aalis sa PNP --“carrying the pride of serving with sense of accomplishment of rendering significant contribution to the organization.” Aniya, repleksyon ito sa kanyang dedikasyon sa PNP at sa bansa.
- Latest