Pulis, pinsan suspek sa pagpatay sa Bokal sa Bulacan, P.5 milyon pabuya alok
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Nag-alok na ng pabuya ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gov. Daniel Fernando ng halagang aabot sa P.5-milyon sa sinumang makakapagturo sa isang pulis at pinsan nito na mga suspek sa pagpatay sa isang Bokal ng lalawigan.
Ayon kay Gov. Fernando, layunin ng alok na reward upang mabilis na maresolba ang kaso at maibigay ang hustisya sa pamilya ng mga biktima.
Kahapon ng umaga, sinampahan na ng kasong double murder sa Malolos City Prosecutor Office ng Bulacan Police Provincial Office ang aktibong pulis at pinsan nito na suspek sa pagpaslang kay Bokal Ramil Capistrano, ang pangulo ng Liga ng mga Alkalde sa lalawigan ng Bulacan.
Kinilala ni Bulacan Police director PCOL. Satur Ediong ang suspek na si Police Staff Seargent Ulysses Fernan Castro Pascual, Cezar Mayoralgo Gallardo Jr, at dalawang may alyas na Lupin at Jeff.
Sa press conference sa Governor’s Office kahapon ng umaga, sinabi ni Col Ediong na may dalawang witness ang nasa safe custody na ng mga awtoridad at maging mga ebidensiyang nakalap kung kaya nila natukoy ang sasakyan at pagkakakilanlan ng mga suspek na pawang taga-Navotas.
Nabatid na ang suspek na pulis ay dating nakatalaga sa Region 3 at kasalukuyang nakapuwesto sa Camp Crame.
Matatandaang si Capistrano at drayber nito ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ng mga suspek sa Brgy. Ligas, Malolos City, nitong Oktubre 3.
- Latest