Kontribusyon ng coop sa komunidad at ekonomiya, kinilala ni Sen. Tol

Senator Francis Tolentino on January 16, 2024.

Sa National Cooperative Month sa Cavite

MANILA, Philippines — Kinilala ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang mga kooperatiba ng bansa, partikular sa kanilang ambag sa pag-unlad ng mga komunidad, gayundin ng pambansang ekonomiya.

Si Tolentino ang panauhing panda­ngal sa selebrasyon ng National Coo­peratives Month na ginanap sa Bacoor City, Cavite, kung saan nagtipon ang mga kooperatiba mula sa iba’t ibang lokalidad sa buong probinsya.

Si Tolentino na sinamahan ng kanyang bunsong anak na si Jeb Isaac ay mainit na sinalubong nina Bacoor City Mayor Strike Revilla, Vice Mayor Rowena Bautista Mendiola, at mga pinuno ng kooperatiba ng lalawigan.

Binista rin ng senador ang exhibit na nagtatampok sa mga pangunahing produkto ng mga kooperatiba ng Cavite kabilang ang kape, mga prutas at gulay, at dairy products.

Sa kanyang talumpati, nag-ulat ang senador sa pagsulong ng panukalang batas sa Senado na naglalayong magtatag ng Cooperative Development Bank of the Philippines. Ibinahagi rin niya ang plano nyang maghain ng sari­ling panukala para sa pagtatatag naman ng Internet Service Cooperatives.

“Kung may kooperatiba na naghahatid ng elektrisidad at tubig, maaari ring magtatag ng kooperatiba na nakatuon naman sa internet, isang mahalagang utility na pangunahing pangangailangan na rin ngayon,” paliwanag ni Tolentino.

Dagdag niya, maaaring magsilbi ang internet service cooperatives sa mga maliliit at liblib na komunidad na ‘di naaabot ng serbisyo ng malalaking internet service providers.

Bilang panghuli, muling idiniin ni Tolentino ang kanyang mahigpit na suporta sa mga kooperatiba sa pangingisda at pagsasaka dalawang mahalagang sektor aniya sa progreso ng kanayunan.

Show comments