CAVITE, Philippines — Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy ang isinasagawang retrieval operations ng Philippine Coast Guard at MDRRMO sa dalawang estudyante na nilamon ng tubig talon, kamakalawa ng hapon sa Mabato Falls, Brgy. Mabato, Maragondon, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang dalawang biktima na sina Aill Macabos, 18-anyos, residente ng Brgy. San Dionisio, Parañaque City at kaklase nitong si Shawn Sajol, 17-anyos, residente ng Brgy. Fildera, Pasay City.
Ayon sa ulat ng pulisya, ala-1:30 ng hapon, nangyari ang insidente habang masayang naliligo ang mga biktima kasama ang mga kaklase at iba pang estudyante nang mag-outing sa nasabing waterfalls.
Sa kasagsagan ng kanilang swimming, napadako sa malalim na bahagi ng talon ang dalawang biktima at bigla silang hinigop ng tubig pailalim.
Nakuha pang lumutang ng biktimang si Sajol at nakasigaw pa ito ng tulong subalit muli siyang hinigop pailalim hanggang sa kapwa hindi na lumutang ang dalawa.
Patuloy ang rescue operations ng mga kinauukulan upang matagpuan ang mga biktima.