DARAGA, Albay, Philippines — Nalaglag na sa kamay ng awtoridad ang isang kawatan na na kilala sa tawag na “Boy TV” dahil sa pagiging tirador nito sa mga telebisyon na nakakabit sa mga paaralan at kabahayan sa follow-up operation ng mga kasapi ng Malilipot Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit at Albay Police Provincial Office sa Brgy. Sagpon, Daraga, Albay kamakalawa ng madaling araw.
Pinuri ni PRO5 regional director Brig. Gen. Andre Perez Dizon ang mga pulis na matyagang humabol sa kawatan at inatasang sampahan agad ng patung-patong na kaso ng pagnanakaw ang suspek na kilala na sa alyas na “Boy TV”, 25-anyos, residente ng Sitio Bantique, Brgy. Bantaya, Pilar, Sorsogon. Marami na umano siyang nabiktima sa kanyang lalawigan at sa Albay.
Karamihan na pinapasok ng suspek ay mga paaralan at mga bahay sa ilang bayan ng Sorsogon at Albay kung saan maliban sa puwedeng pakinabangan ay target nakawin nito ang telebisyon na mas mahal at madaling ibenta.
Sa ulat, huling pinasok ng suspek kamakalawa ng madaling araw ay ang San Jose Elementary School sa Brgy. San Jose, Malilipot ng lalawigang ito. Inakyat umano ni Boy TV ang Room 11, Building 8 ng paaralan at pinasan ang isang 58-inches na Xitrix Smart TV.
May sinubukang pagbentahan ito sa Malilipot pero hindi binili at naging dahilan pa para maituro ang posibleng pinuntahan ng magnanakaw.
Sa backtracking ng mga pulis gamit ang mga kopya ng CCTV camera mula sa naturang bayan, sa Legazpi City hanggang sa bayan ng Daraga ay natunton ang sinakyang bus at tricycle pati na ang mga lugar na pinuntahan ng salarin hanggang sa matunton at mahuli siya sa Brgy. Sagpon, Daraga.
Nabawi ang Xitrix Smart TV pati na ang walong iba pang telebisyon na ninakaw ng suspek sa iba’t ibang lugar.