COTABATO CITY, Philippines — Ginulantang ng malakas na pagsabog ng granada ang tapat ng tanggapan dito sa lungsod ng kilalang mapagkawanggawang health minister ng Bangsamoro region nitong Sabado ng gabi.
Binutas ng mga shrapnel ang dingding at bubong sa isang palapag na gusali ng tanggapan at clinic ng manggagamot na si Kadil Monera Sinolinding, Jr. sa Zenaida Subdivision sa Barangay Rosary Heights 8, Cotabato City sanhi ng pagsabog ng naturang granada.
Maliban sa kanyang pagiging health minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), si Sinolinding ay kasapi rin ng BARMM parliament na may 80 mambabatas.
Sa pahayag ng mga residente ng Zenaida Subdivision, dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo ang responsable sa naturang pambobomba ng tanggapan ni Sinolinding, gamit ang posible ay M61 o MK2 na uri ng granada, na nagdulot ng pagkagulat at takot sa mga residenteng nakatira sa palibot nito.
Dahil popular si Sinolinding sa kanyang mga health programs para sa mga mahihirap na mga Muslim, Kristiyano at mga etnikong grupo at kilala na wala namang kalaban, posibleng pananakot lang ang naturang grenade attack, ayon sa mga opisyal ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ng 6th Infantry Division at ng 5th Marine Battalion na magkatuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan sa 37 na mga barangay ng Cotabato City.