Dengue sa Albay lumobo ng halos 80 porsyento

Sa tala ng PHO-Provincial Epedemiology and Surviellance Unit (RESU) mula noong buwan ng Enero hanggang Setyembre ay umabot na sa 2,074 na kaso ng dengue ang naitala.
STAR/File

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nababahala ang Provincial Health Office (PHO) matapos ang biglang paglobo ng mga kaso ng dengue sa buong lalawigan ng Albay na umabot ng halos 80 porsyento sa pagpasok ng pangatlong quarter ng taong kasalukuyan.

Sa tala ng PHO-Provincial Epedemiology and Surviellance Unit (RESU) mula noong buwan ng Enero hanggang Setyembre ay umabot na sa 2,074 na kaso ng dengue ang naitala.

Ayon kay Jan Edmund Dominic Bailon, ng PHO-RESU ang nakaka-alarma umano ay nito lamang nakaraang pangatlong quarter ng 2024 o Hulyo, Agosto at Setyembre ay nasa 1,373 ang kasong kanilang naitala sa buong lalawigan. Mas mataas ito ng 80-porsyento sa bilang na naitala noong 2023 sa kaparehong panahon.

Pinaniniwalaang dahilan sa pagtaas ng bilang ng mga tinamaan ng dengue ay ang nakalipas na mga pag-uulan sa lalawigan kaya patuloy ang panawagan sa lahat ng mga mamamayan na panatilihing malinis ang kani-kanilang kapaligiran at siguruhing walang magiging stagnant na tubig na pamamahayan ng lamok na nagdadala ng naturang sakit lalo na ngayong napapadalas na ang mga pag-uulan.

Ani Bailon, agad nang nagpadala ng karag­dagang mga ­gamot ang provincial health office sa lahat ng mga lokal na pamahalaan at nagsagawa na ng mga pagsasanay para sa karagdagang sanitation officers sa mga barangay.

Show comments