Lalaking ‘dinukot’ natagpuang patay sa Cavite

CAVITE, Philippines — Isang lalaki na pinaniniwalaang dinukot ng mga ‘di nakilalang salarin ang natagpuang patay sa gilid ng kalsada sa General Trias City, kamakalawa.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa din nakikilala ang biktima na may taas na 5’2 at nakasuot ng itim na pang itaas at denim pants.

Sa ulat ng pulisya, alas-7 ng umaga nang matagpuan ng ilang residente ang biktima sa gilid ng kalsada ng Sitio Talipusngo sa Brgy. Alingaro, Gen. Trias City. Nakadapa umano ito at may mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.

Sa pag-iimbestiga sa mga residente ng nasabing lugar, walang nakakakilala sa biktima.

Bunsod nito, malaki ang hinala ng pulisya na maaaring dinukot ang biktima bago pinatay at itinapon lamang sa nasabing lugar upang iligaw ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.

Show comments