Bahay ng BARMM commissioner niratrat, kasambahay kritikal

Sa ulo ang tama ng bala na tinamo ng biktimang si John Debang, na agaw buhay sa ‘di tinukoy na pagamutan.
STAR/ Filew

COTABATO CITY, Philippines — Malubhang nasugatan ang isang lalaking kasambahay ni Commissioner Archie Buaya ng Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC) nang paulanan ng bala ng assault rifles ng armadong grupo ang kanyang tahanan sa Barangay Labungan, Datu Odin Sinsuat, Maguinda­nao del Norte nitong gabi ng Huwebes.

Sa ulo ang tama ng bala na tinamo ng biktimang si John Debang, na agaw buhay sa ‘di tinukoy na pagamutan.

Sa inisyal na ulat ng mga barangay officials sa Labungan, nilapitan ng mga armadong lalaki ang bahay ni Buaya at walang habas na pinagbabaril gamit ang mga assault rifles.

Wala sa kanyang bahay si Buaya nang maganap ang pamamaril dahil siya ay nasa official travel sa labas ng bansa.

Niratrat din ng mga salarin ang bahay ng em­pleyado ng BHRC na si Ben Aguil, na katabi ng bahay ni Commissioner Buaya, ayon sa mga barangay leaders.

Show comments