‘Wanted’ tatakbo sanang vice mayor
MANILA, Philippines — Nauwi sa karahasan ang tahimik sanang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato para sa 2025 mid-term elections sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nang nang mauwi ito sa palitan ng putok at hagisan ng mga bato sanhi ng pagkasugat ng anim na katao nitong Martes.
Ito ay matapos na magtangkang mag-file ng kandidatura sa pagka-vice mayor sa Shariff Aguak ang diumano’y isang “wanted person” na may mga kasong nakasalang sa mga korte, ayon sa ulat ng pulisya.
Hindi na naaksyunan ng mga taga-Commission on Elections (Comelec) ang paghahain sana ng naturang “kakandidato” ng kanyang COC dahil wala rin siyang dalang papel o COC.
Kinumpirma ng local government officials ng Shariff Aguak na tatlong lalaki na residente ng naturang bayan ang sugatan sa insidente dahil sa barilan at batuhan ng mga suspporters na nagsanhi rin ng pagkasugat ng tatlong iba pa sa grupong nagpasimuno ng kaguluhan.
Nauna rito, naimbita pa ng mga pulis ang lalaking “kakandidato” para sa kaukulang identity verification, at pinayagang maghain ng COC sa Municipal Comelec Office ngunit hindi rin naiproseso ito dahil ang kanyang tanging dala diumano ay Certificate of Nomination and Acceptance ng kanyang kinaanibang political party.
Ayon sa Shariff Aguak Police at ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office, ang naturang kaganapan ay nagsanhi ng tension na nauwi sa batuhan ng mga sasakyan at palitan ng putok ng mga kinauukulan at supporters ng naturang kakandidato sana para sa pagka-vice mayor ng naturang bayan.
Ilang salamin ng mga sasakyang na napadaan lang sa lugar ang nadamay sa karahasan.
Sa Facebook post ng isa sa mga car owner, makikita sa larawan ang ginawang pagbasag sa salamin ng kanyang sasakyan ng mga hindi pa kilalang indibiduwal na nasa gilid ng highway at may dalang mga pamalo.