6 pulis, sibak sa panggugulpi ng criminology student
MANILA, Philippines — Sibak sa puwesto ang anim na pulis na nakatalaga sa Marigondon, Lapu-Lapu City, Cebu dahil umano sa “police brutality” nang kanilang bugbugin ang isang working criminology student na hinuli dahil sa umano’y pagnanakaw.
Ayon kay PNP Public Information chief PBrig. Gen. Jean Fajardo, kabilang sa mga sinibak sa puwesto ang Station 4 commander na isang police major, chief clerk, desk officer, isang sarhento, isang patrolman at isang imbestigador.
Lumilitaw na nag-ugat ang insidente matapos madawit umano sa pagnanakaw ang biktima sa binabantayan nitong bahay kung saan siya ang caretaker.
Dito inaresto ang biktima at pilit umanong pinaaamin sa kasalanan habang sinasaktan sa pamamagitan ng pamamalo ng arnis at pananampal. Nakiusap at nagpaliwanag umano siya subalit hindi pinakikinggan ng mga pulis.
Sa kabila ng reklamo, itinatanggi ng mga nasibak na pulis na sinaktan nila ang biktima.
- Latest