MANILA, Philippines — Muling susubukang makabalik bilang kinatawan ng lalawigan ng Abra si League of Mayors of the Philippines (LMP) national president Joseph Sto. Niño “JB” Bernos sa ilalim ng Lakas-Christian and Muslim Democrats o Lakas-CMD.
Si Abra Mayor “JB” Bernos, nanilbihan bilang kongresista ng Abra ng dalawang termino mula taong 2016-2022 ay katuwang ni dating Abra governor Eustaquio Bersamin ng Partido Federal ng Pilipinas, kapatid ni dating Supreme Court Chief Justice at kasalukuyang Executive Secretary Lucas Bersamin.
Si Eustaquio Bersamin ay naghain na rin ng kanyang kandidatura sa pagka-gobernador habang ang kanyang pamangkin na si Anne Bersamin ang tatakbo sa pagkabise-gobernador.
Sa pahayag ni Bernos, marami pa siyang dapat matupad na mga pangako at programa para sa mga mamamayan ng Abra na dahilan ng kanyang pagnanais na muling bumalik bilang kongresista at ikakatawan ang Abra.
Sinabi naman ni dating Gov. Bersamin na malawak at maraming mga programa at proyektong naisakatuparan nina Cong. Menchie at Mayor JB Bernos sa pag-unlad ng estado at kabuhayan ng mga Abrenians dahilan kung bakit matutunghayan ang isang pinakamaunlad na lalawigan sa rehiyon ang Abra, hindi lamang sa Cordillera, bagkus ay sa buong Hilagang Luzon.
Samantala, pangunahing nominee naman si Abra Cong. Menchie Bernos sa partyl-ist group na Solid North, katuwang ang isang umuusbong na lider pulitikal mula sa pamilya Ortega ng La union bilang second nominee, habang si Apayao Gov. Elias Bulut Jr. bilang third nominee.