MANILA, Philippines — Patay ang hepe ng Cagayan de Oro City Police Office (CDOPO)-Station 2 matapos barilin ng riding-in-tandem nitong Sabado sa Brgy. Bulua, ng nasabing lungsod.
Hindi na naisalba pa ng mga doktor sa Polymedic Medical Plaza ang biktimang si PCapt. Abdulcahar Armama, hepe ng CDO Police Station ng PRO-10 (Northern Mindanao) dahil sa tinamong tama ng bala ng baril sa ulo.
Ayon kay CDOPO spokesperson Lt. Col. Evan Viñas, tinututukan nila ang kaso upang malaman ang motibo ng pamamaslang at pagkakakilanlan ng mga suspek.
Dalawang basyo ng .45 caliber na baril ang nakuha sa crime scene.
Sinabi ni Viñas na nirerebisa na nila ang CCTV footage sa lugar upang matukoy ang mga salarin.
Mariin namang kinondena ni PRO-10 Regional Director PBrig. Gen. Jaysen de Guzman, ang pamamaslang kay Armama.
Tiniyak ni De Guzman, na gagawin nila ang mga nararapat na aksiyon upang madakip ang mga suspek at mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Armama.
Si Armama ay kabilang sa Philippine National Police Academy Masidlak Class of 2017, sa kanilang bayan, sa Lanao del Norte.
Nanawagan ang pamilya ng biktima kay CDO Mayor Rolando Uy, sa Department of the Interior and Local Government (DILG), at sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ang pagkamatay ng kanilang kaanak.