Dalaga kinatay ng ex-BF, manliligaw kritikal

Dahil sa sobrang selos

CAVITE, Philippines — Patay ang isang dalaga habang malubhang nasugatan ang manliligaw nito makaraang pagsasaksakin ng dating dyowa ng una dahil sa ma­tinding selos, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Calibuyo, bayan ng Tanza, dito sa lalawigan.

Dead-on-arrival sa pagamutan sanhi ng dami ng tinamong saksak sa katawan ang biktima na si Sherley Basario, residente ng nasabing lugar habang patuloy na inoobserbahan sa pagamutan ang manliligaw nito na nagtamo rin ng mga saksak sa katawan na kinilalang si Marioan Obia.

Tinutugis ng mga pulis ang tumakas na suspek na kinilala lang sa alyas “Abac”, dating boyfriend ni Basario.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-8:30 ng gabi habang kapwa nasa loob ng bahay sina Basario at manliligaw na si Obia nang biglang dumating ang dating nobyo ng una na si “Abac”.

Mabilis na inatake ng suspek ang nagitlang mga biktima at inundayan ng sunud-sunod na saksak bago mabilis na tumakas.

Ayon sa pulisya, matinding selos ang tinitingnan nilang motibo sa krimen.

Show comments