Kabilang sa peace panel sa Oslo
MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang itinuturing na high ranking na lider ng New People’s Army (NPA) matapos masakote sa joint law enforcement operation ng pulisya at military sa Tagum City, Davao del Norte, ayon sa ulat nitong Sabado.
Kinilala ang nasakoteng lider ng NPA na si Porferio Tuna, Jr., may mga alyas na “Ka Danny, “Ka Ampong” at “Ka Simon”; at nagsisilbing 2nd Deputy Secretary and Executive Committee ng Southern Mindanao Regional Committee ng communist terrorist group.
Sa report ni Major Gen. Allan Hambala, commander ng 10th Infantry Division ng Philippine Army, si Tuna ay nasakote sa joint operation ng 1003rd Infantry Brigade, National Intelligence Coordinating Agency (NICA), PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at iba pang units ng pulisya, nitong Oktubre 2.
Ayon kay Hambala, wanted si Tuna sa mga kasong multiple murder, frustrated murder, kidnapping and illegal detention, extortion at armed robbery na nakasalang sa ibat-ibang mga korte sa naturang tatlong rehiyon.
Nahaharap si Tuna sa samut-saring kasong criminal sa iba’t ibang korte sa Regions 10, 11 at 12 kabilang na ang multiple murder, kidnapping, serious illegal detention, robbery with violence at attempted homicide. Kabilang dito ang ginawang pag-atake sa 60th Infantry Battalion sa Brgy. Gupitan, Kapalong, Davao del Norte na ikinasawi ng isang opisyal ng militar; ambush sa tropa ng mga sundalo noong Hulyo 10,2014 sa Brgy. Anipan, Mabini, Davao del Norte na ikinasawi ng 2 enlisted personnel.
Sa tala, si Tuna ay dati nang nakulong sa Davao del Norte Provincial jail na nakapaghain ng bail noong 2016 para dumalo sa peace talks sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front (NDF) Panel sa peace talks sa Oslo.
Gayunman, matapos ang peace talks ay hindi na nagpakita pa si Tuna sa mga awtoridad upang harapin ang mga kasong kriminal.