COTABATO CITY, Philippines — Nagpakita ang suporta na animo’y “people’s power” ang libu-libong mga supporters ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) sa mga kandidato nito para sa iba’t ibang puwesto sa Cotabato City kasabay ng kanilang paghain ng certificates of candidacy (COCs) nitong Sabado.
Ang UBJP ay isang regional political party na inorganisa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaugnay ng layuning maisulong, sa pamamagitan ng moral governance, ang mga agenda ng peace process nito sa Malacañang na siyang naging batayan ng pagbuwag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na napalitan nitong 2019 ng mas may kapangyarihang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Pansamantalang nabalam ang daloy ng trapiko sa Sinsuat Avenue sa Cotabato City dahil sa rami ng mga supporters ng mga kandidato ng UBJP sa pagka-mayor na si Bruce Matabalao, pagka-vice mayor na si Johair Madag, at 10 na iba pa para sa Sangguniang Panglungsod na sabay na nagpatala ng kanya-kanyang kandidatura sa tanggapan ng Commission on Elections sa loob ng Bangsamoro capitol compound sa lungsod.
Ang 10 kandidato ng UBJP para sa Cotabato City council ay kinabibilangan nina Florante Formento, Elboy Midtimbang, Mohamad Mangelen, Anwar Malang, Michael Datumanong, Faidz Edzla, Joven Pangilan, Jonas Mohammad, Datu Raiz Sema at Shalimar Candao.