MALOLOS CITY , Philippines – Dead-on-the-spot ang Board Member ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan at kanyang driver matapos silang tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakilalang salarin habang sakay ng SUV sa Brgy. Ligas, dito sa lungsod, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Board Member Ramilito Capistrano, 55, tserman ng Brgy. Caingin, San Rafael, Bulacan at tumatayong president ng Association of Barangay Captains (ABC) sa Bulacan, at ang kanyang driver na si Shedrick Suarez.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-6:00 ng gabi nang tambangan ng mga ‘di pa nakikilalang salarin ang mga biktima.
Galing si Capistrano sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan at pauwi na sana sila sakay ng Mitsubishi Montero nang tambangan ng mga suspek.
Pinaulanan ng bala ng baril ang nasabing sasakyan at bumangga sa isang junk shop at doon ay muli silang pinaulanan ng bala ng ‘di pa mabatid na kalibre ng baril.
Sinasabing may dalawa pang kasama ang dalawang biktima na himalang nakaligtas matapos na tumalon mula sa likuran ng sasakyan nang bumangga ito sa nasabing junkshop. Kaugnay nito, bumuo na si Police Regional Office-3 director, Police Brig. Gen. Redrico Maranan ng Special Investigation Task Group (SITG) na tututok sa kaso ng pagpatay sa naturang ABC president at driver nito.