COTABATO CITY, Philippines — Sasabak na 2025 elections para sa iba’t ibang elective positions sa Lanao del Sur at kabisera nitong Marawi City ang mga kasapi ng partidong kilalang may pinakamaraming rehistradong miyembro at mga supporters sa probinsya.
Sa ulat, pinangunahan nina reelectionist Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong, Jr. at Vice Governor Muhammad Khalid Rakiin Adiong ang kanilang grupo sa pagpa-file ng mga COCs sa provincial gymnasium sa Marawi City nitong Oktubre 1.
Si Vice Governor Adiong ang siyang presidente ng Serbisyong Inklusibo, Alyansang Progresibo, o SIAP, ang pinakaunang nabuong regional party sa Bangsamoro region, may mahigit 600,000 na mga miyembro na sa Marawi City, sa 39 na mga bayan sa Lanao del Sur, at sa mga probinsya ng Maguindanao del Norte Maguindanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi at sa mga lungsod ng Cotabato at Lamitan.
Maliban sa reelectionist governor at vice governor ng Lanao del Sur at mga kandidato sa pagka-mayor, vice mayor, municipal councilors at provincial board members, naghain din nitong Martes ng kanilang mga COC sina Congressman Zia-ur Rahman Alonto Adiong at Congressman Yasser Alonto Balindong na parehong miyembro ng SIAP.