Matapos masangkot sa mga kaso..
AKLAN, Philippines — Usap-usapan na sa lalawigang ito ang planong pagpasok muli sa pulitika ni dating Aklan Governor Florencio “Joeben” Miraflores kahit nababalot pa rin siya ng kontrobersya dahil sa kinasasangkutang mga kaso mula sa dating panunungkulan nito.
Sa kabila ng kanyang anunsyo ng pagreretiro sa pulitika noong 2021, tila nabago ang ihip ng hangin dahil tinatarget umano ni Miraflores na maghain ng kanyang kandidatura bilang “kinatawan” ng Ikalawang Distrito ng Aklan para sa 2025 mid-term elections.
Matatandaang noong 2016, napatunayan ng Office of the Ombudsman na may sapat na ebidensya upang sampahan si Miraflores ng kaso at ang kanyang asawa, dating alkalde ng Ibajay na si Ma. Lourdes Miraflores, ng mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019), kaugnay ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees (RA 6713).
Ang mga kaso ay tumutukoy sa hindi nila pagdedeklara ng humigit-kumulang P12.18 milyon sa kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) mula 2001 hanggang 2009. Kabilang sa mga hindi deklaradong ari-arian ay ang P6.16 milyong puhunan sa Rural Bank of Ibajay, Inc., at apat na sasakyan.
Ang mga natuklasang ito ng Ombudsman ay nauwi sa pagsampa ng mga kaso, na kinontra ng mag-asawa, at idinadahilang ang mga pagkakaiba sa kanilang SALN ay sanhi ng kalituhan sa pagbabago ng mga form at iba pang makatarungang dahilan.
Matapos ang mahabang proseso sa korte, pinagtibay ng Korte Suprema noong Enero 6, 2020, ang desisyon ng Ombudsman, na nagsasabing mayroong probable cause laban sa mag-asawang Miraflores. Kinilala rin ng SC ang sapat na ebidensya para sa mga kaso at ibinasura ang kanilang petisyon.
Sa kabila ng desisyong ito, wala pang malinaw na balita kung ipinatupad na ang mga parusa o kung aktibong hinahabol pa ng Ombudsman ang kaso dahil sa desisyon ng Sandiganbayan noong 2018 na i-dismiss ang kaso dahil diumano sa “inordinate delay”.