BATANGAS, Philippines — Naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa Batangas City- Comelec Office ang “Star for All Season” Vilma “Ate Vi” Santos-Recto para sa pagka-gobernador sa 2025 election.
Kasama ng beteranang aktres sa paghahain ng COC ang kanyang mga anak na sina Luis “Lucky” Manzano bilang kanyang running mate, at Ryan Christian Recto na tatakbo bilang kongresista ng 6th District ng Batangas.
Sa press conference sa Sampaguita Farm sa Batangas City, natanong si Ate Vi kung ano ang nagpabago sa kanyang isip na muling tumakbong gobernador makaraang may lumabas na balitang pagod na siya sa pulitika.
“No it wasn’t fatigue, hindi ako napagod sa pulitika after serving long years in Lipa and Batangas, it’s because of the pandemic,” paliwanag ni Ate Vi.
“Everybody knows that I’m a touchy person, I love making hand shakes and hugging people, alangan namang pigilan ko ang mga tao na lumapit sa akin dahil sa banta ng Covid? Kaya I decided not to run during the pandemic, ayaw ko magtaboy ng mga tao”, dagdag nito.
Nang tanungin kung bakit niya pinili ang anak na si Lucky na kanyang maging vice-governor - “Naramdaman ko na ang puso nila sa tao, I asked my son Lucky na siya na ang mag-guide sa akin, I need new blood, new technology na ang kailangan natin to serve faster and effective lalo na sa social media,” pahayag ni Ate Vi.
Makakatapat ni Luis si outgoing governor Hermilando “Dodo” Mandanas na tatakbong vice-governor sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP).