4 patay, 8 sugatan kay super typhoon Julian!
Batanes, Ilocos Norte nasa state of calamity…
MANILA, Philippines — Apat katao ang nasawi sa pananalasa ni super typhoon Julian na nagdulot ng malawakang pagbaha sa Northern Luzon, ayon sa ulat nitong Miyerkules.
Kinumpirma ng tanggapan ni Ilocos Norte Governor Matthew Manotoc na dalawa mula sa nasabing bilang ang nasawi sa kanilang lalawigan na kinabibilangan ng isang 87-anyos na lola sa Batac City at isa sa Laoag City na inatake naman sa puso sa evacuation center, habang isa ang nawawala sa Paoy. Nasa P85 milyon halaga naman ang pinsala sa livestock habang sa poultry ay P385,000.
Sinabi naman ni Ilocos Norte Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Randy Nicolas, nasa 18,000 pamilya ang naapektuhan ng bagyo kung saan 1,000 katao pa ang nananatili sa evacuation center.
Samantala, ang dalawa pang nasawi ay kinabibilangan ng isang nakuryente sa Cagayan at isang nalunod sa Ilocos Sur.
Sa report naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), isa ang nawawala at walo ang nasugatan sa bagyong Julian. Nasa kabuuang 43,093 pamilya o 149,293 katao mula sa 552 barangays sa Ilocos, Cagayan at Cordillera Region ang nasalanta ng kalamidad. Nasa 646 pamilya at 2,176 indibidwal ang nagsilikas sa kanilang tahanan.
Iniulat pa ng NDRRMC na nasa P11.3 milyong halaga ng ayuda ang naipamahagi na sa 17,658 mga naapektuhang pamilya sa mga rehiyon na matinding napinsala ng malakas na bagyo.
Dahil sa pinsala ng super typhoon Julian, isinailalim na rin sa state of calamity ang mga lalawigan ng Batanes at Ilocos Norte na mas hinagupit ng bagyong Julian.
Ayon kay Batanes Gov. Marilou Cayco, inaprubhaan ng Sangguniang Panlalawigan ang rekomendasyon ng Provincial Risk Reduction and Management Council (PRRMC) na ilagay sa state of calamity ang Batanes dahil sa malawak na tinamong pinsala ng lalawigan.
Sa Ilocos Norte, ang pagsasailalim sa state of calamity sa lalawigan ay bunga ng malawakang pagbaha na nakaapekto sa may 23 munisipalidad, habang 88 kabahayan ang napinsala.
Samantala, inihayag ni PDRRMO chief Ruelie Rapsing na irerekomenda na rin nila na isailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Cagayan dulot ng pinsalang iniwan ng bagyong Julian.
- Latest