CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Patay na habang nakagapos nang matagpuan ang isang dating opisyal ng Philippine National Police sa isang damuhang bahagi ng Barangay Janopol Oriental sa Tanauan City, Batangas nitong Lunes ng gabi.
Ang bangkay ni retired Police Lt. Arnel Tobes, 48 anyos, dating nakatalaga sa Sto. Tomas Police Station, ay nadiskubre ng isang Rowena Delos Reyes habang naghahanap ang huli ng gagamba sa madamong bahagi ng Sitio Hipit ng nasabing barangay bandang alas-9:30 ng gabi.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ang biktima ay walang saksak o tama ng baril, subalit nakitaan ng mga dugo sa katawan at sa nasabing lugar.
Ang biktima ay nakasuot ng blue maong pants, blue rubber shoes habang ang kanyang ulo ay nababalutan ng transparent plastic, nakatali ang mga kamay gamit ang yellow nylon rope.
Pinaniniwalaan ng mga imbestigador na ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay “suffocation” o “asphyxia” dulot ng pagggamit ng plastic bag sa ulo nito upang hindi makahinga ng di kilalang mga suspek.
Tinitingnan ng pulisya ang isang impormasyon na nasa rent-a-car business ang biktima.
Kasalukuyan na ring bineberipika ng mga imbestigador na huling nakita ang biktima habang minamaneho ang kanyang SUV na Fortuner na nirentahan ng isang di kilalang indibiduwal.