CAVITE, Philippines — Ratsada na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga kandidato sa lalawigang ito, kahapon para sa 2025 national and local elections (NLE).
Alas-8 pa lang ng umaga nang pormal na mag-file ng COC sa pagka-alkalde si incumbent Mayor Randy Salamat ng Alfonso, Cavite para sa target nitong huling termino. Wala pa namang naiulat na makakalaban sa halalan ng nasabing alkalde.
Sumunod na naghain ng COC si incumbent Rosario, Cavite Mayor Jose Voltaire Ricafrente sa ilalim ng Partido Lakas-Christian Muslim Democrats (LAKAS-CMD) na muling tatakbong alkalde para sa ikalawang pagkakataon sa nasabing bayan. Sinamahan siya ng kaniyang buong partido kabilang na sina Cong. Jolo Revilla, BM Rommel Enriquez, VM Bamm Gonzales, mga Konsehal at mga tagasuporta.
Dumating din at kapwa naghain ng kanilang COC sina Congresswoman Lani Mercado Revilla ng ikalawang distrito ng Cavite at anak na si Jolo bilang kinatawan sa unang distrito ng lalawigan. Sinamahan sila nina Sen. Ramon Bong Revilla Jr. at Agimat Party-list Rep. Bryan Revilla.
Sa kabilang banda, naghain din ng COCs ang tambalang Jun Dualan at Jacinta Remulla, bilang alkalde at bise-alkalde sa bayan ng Naic na sinuportahan ni Cavite Gov. Jonvic Remulla.