COTABATO CITY, Philippines — Sugatan ang isang pulis matapos na hagisan ng granada ng tandem suspects ang isang roadside police detachment sa Barangay Sunrise, Isabela City sa Basilan nitong gabi ng Linggo.
Sa ulat nitong Lunes ng Basilan Provincial Police Office kay Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nagtamo ng mga shrapnel wounds sa katawan ang noon ay naka-duty na si Patrolman Salahuddin sanhi ng naturang pagsabog.
Sa inisyal na pahayag ng mga barangay officials at mga imbestigador, hinagis diumano ang isang granada sa gilid ng detachment ng Isabela City Police Station sa Barangay Sunrise ng isang lalaking may kasama na mabilis namang nakatakas kasunod ng malakas na pagsabog na nagdulot ng pagkagulat at takot sa mga residenteng nasa mga bahay sa kapaligiran.
Kinundena ni Basilan Gov. Hadjiman Salliman, chairman ng Provincial Peace and Order Council, ang pambobomba na nagsanhi ng pagkasugat ni Salahuddin.
Nag-alok ng pabuya si Salliman sa sinumang makakatulong sa pulisya na kilalanin ang mga responsable sa naturang pagpapasabog.