Sa interdiction ops sa Kalinga
MANILA, Philippines — Umaabot sa P23 milyong halaga ng pinatuyong marijuana bricks ang nakumpiska mula sa tatlong hinihinalang drug couriers sa “interdiction operation” sa Purok 5, Barangay Bulanao, sa lungsod na ito nitong Biyernes.
Kinilala ang mga suspek na mga bagong drug personalities na sina Paul Andrei Galvez, 29, ng Malolos City, Bulacan; Kennedy Mensah, 21, ng Guiguinto, Bulacan sa Barangay Buscalan, Tinglayan, Kalinga, at Francis Baydon, 25, ng Buscalan.
Ayon kay Police Regional Office-Cordillera chief PBrig. Gen. David Peredo Jr., nagsagawa sila ng operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa police unit na isang sasakyan ang may kargang marijuana bricks mula sa Tinglayan na may kasamang dalawang motorsiklo.
Narekober mula sa mga suspek ang 192 dried marijuana bricks na nakabalot sa transparent plastic na may timbang na tig-iisang kilo o kabuuang 192 kilos na may standard drug price na P23 milyon, isang Haima multi-purpose vehicle, dalawang itim na motorsiklo, at isang maliit na transparent cellophane na naglalaman ng pulverized at powdered dried marijuana leaves na may bigat na humigit-kumulang sa limang gramo at nagkakahalaga ng P600.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 partikular ang illegal transport ng prohibited drugs.