2 amasonang bomb maker, 1 pang NPA sumuko

COTABATO CITY, Philippines — Dalawang amasona sa hanay ng New People’s Army (NPA) na bihasa sa paggawa ng improvised explosive devices at isa pang kasama ang sumuko sa 37th Infantry Battalion sa Lebak, Sultan Kudarat nitong Sabado.

Kinumpirma nitong Linggo ni Major Gen. Antonio Nafarrete, commander ng 6th Infantry Division, ang pagsuko nila Joy Asil Kandason, Marilyn Insam Gansing at kanilang kasamang lalaki na si Tumiguel Kansal Gumpay sa isang seremonya sa battalion headquarters ng 37th IB sa Lebak, Sultan Kudarat.

Sumuko ang tatlong miyembro ng NPA at nanumpa ng katapatan sa pamahalaan sa pakiusap ng mga opisyal ng 37th IB, ni Brig. Gen. Michael Santos na commander ng 603rd Infantry Brigade at ni Mayor Joaquin Concha ng Kalamansig sa Sultan Kudarat.

Sa kanilang hiwalay na salaysay, mangilan-ngilan na lang ang natitirang  miyembro ng NPA sa magkaratig na mga probinsya ng Sultan Kudarat, Cotabato, Maguindanao del Sur, South Cotabato at Sarangani na sakop ng 6thID kaya sila nagdesisyon na sumuko na at magbagong buhay.

Sa tala ng 6th ID, nasa 437 na miyembro ng NPA ang sumuko na mula 2022 sa iba’t ibang mga unit nito na nakakalat sa naturang limang probinsya.

Show comments