7 pulis swak sa patung-patong na kaso!
Sa panloloob sa ex-professor
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Inaprubahan ng Department of Justice sa pamamagitan ng isang resolusyon para sa pagsasampa ng maraming kasong kriminal sa Imus regional trial court laban sa pitong pulis habang ang apat pa nilang kasamahan ay na-dismiss kaugnay sa pagnanakaw sa dating tirahan ng propesor na viral sa social media noong Agosto 2, noong nakaraang taon.
Ang 12-pahinang resolusyon na may petsang Agosto 29, 2024 ay nilagdaan ni Assistance State Prosecutor Mary Grace Pulido-Sadian at Senior Deputy State Prosecutor Mariza Delos Santos-Jaugan ng Department of Justice-Manila.
Napag-alaman ng DOJ prosecutors na may probable cause para kasuhan sa korte ang paglabag sa Article 269 ng Revised Penal Code o Unlawful Arrest, Violation of Domicile, Planting of Evidence, Perjury, falsification of public documents laban sa pitong akusadong pulis na ‘di pa pinangalanan.
Apat sa 11 akusado na pulis kabilang ang isang sinibak na dating Deputy Chief of Police na itinalaga bilang team leader ng Station Drug enforcement Unit (SDEU) sa Imus City at tatlo sa kanyang mga kasamahan ay na-dismiss ang mga kaso dahil sa kawalan ng probable cause.
Sinabi sa PSN ng isang dating propesor na si Rebecca Caoile, 67, na ang arraignment ay maiiskedyul sa Oktubre 3, 2024 sa Imus Regional Trial Court.
Si Caoile at National Police Commission (Napolcom)-Calabarzon regional director, Atty Owen De Luna, na tinaguriang complainant, ay naghain ng kriminal na impormasyon sa Department of Justice, noong nakaraang taon laban sa 11 pulis na inakusahan ng pagnanakaw sa bahay ng isang retiradong guro sa Imus, Cavite noong Agosto 2.
Pitong opisyal ng anti-narcotics police na inakusahan ng pagnanakaw sa bahay ng naturang retiradong guro sa Imus, Cavite noong Agosto, 2023 ay tinanggal na sa serbisyo.
- Latest